Namimiss ko sila... sobra.
Tama nga ang sabi nila, oras na umuwi ka, magdadala ka ng napakabigat na bagahe sa dibdib pagbalik mo sa kung saan ka nagtatrabaho.
nangungulila ako. hinahanap ko ang mga haplos ng nanay ko. ang mga tawa ng mga kapatid ko. ang mga ngiti nila. ang saya sa mga mata nila. ang di malilumutang mga sandali ng saya at ligaya. ang mga sandaling buo kami. namimiss ko ang pamilya ko.
gustong gusto kong manatili na lamang sa kung nasaan silang lahat at sa kagustuhang ito alam kong hindi magiging madali, kaya mamarapatin ko na lamang na mangibang bayan para mabigyan ko sila ng kaginhawahan kahit papano. ganon talaga. ako na ang pumapasan nito. hindi ako nagrereklamo dahil masaya naman ako na napapasaya ko sila.
madalas sabihin ng nanay ko nung nagbakasyon ako na kapag nanalo daw siya sa lotto.. hinding hindi na siya papayag na malayo pa kami sa kanya. naninikip ang dibdib ko sa tuwing sinasabi niya ito dahil ramdam ko ang lungkot na malayo sa kanya. habang tinitipa ko ito, di ko maiwasang maluha. ang nanay ko ang pinakamahalagang tao sa buhay ko at hinding hindi ko makita ang mundo ko ng wala siya. walang sinuman ang maaring makapanakit sa nanay ko. sana kasama ko siya ngayon.
"lilipas din ito" ang madalas kong sabihin sa sarili ko ngayon. ang mga salitang pampalubag loob. ang mga katagang pilit kong ipinapasok sa sistema ko. kabaligtaran nung nandoon ako at nagbabakasyon na tila ba ayoko ng matapos ang bawat araw na kasama ko sila. ngayon mag-isa ulit ako. malayo sa kanila.
hiling at dasal ko lang na sana lagi lamang silang nasa mabuting kalagayan. dun lang masaya na ko. dun lang ok na ako.
bakasyong bitin nga ang paguwi ko sa Pinas. bakasyong nagiwan ng kirot sa puso ko dahil ang salitang ito ay nangangahulugang pansamantala lamang. pansamantala lamang na makakapiling ang mga taong dahilan kung bakit ako patuloy na lumalaban at nabubuhay.
Sunday, August 23, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment