kaarawan ng nanay ko sa 26 March. miss ko na ang pinakaimportanteng babae sa buhay ko. ilang taon na rin buhat nung umalis ako sa probinsiya namin at hindi na nakapagdiwang ng kaarawan niya na nandoon ako. miss na miss ko na si mama.
gaya ng lahat ng anak, mahal na mahal na mahal ko ang nanay ko. wala na sigurong mas hihigit pa doon.
pero kakaiba si "bater" tawag ng mga kaibigan niya kanya. madada, bungangera, mainitin ang ulo, namamalo ngunit kahit minsan hindi ako nagdamdam ng ganoon katindi sa kanya. hindi niya man sabihin, alam ko, na higit sa kanyang buhay ang pagmamahal niya saaming mgakakapatid.
ang nanay ko kasi napaka sipag. inalagaan niya kaming limang magkakapatid ng mag-isa lang. walang yaya, walang katulong. sa iba, mahirap yun, sa nanay ko, minani niya lang.
wala na rin sigurong mas tatapang kay mama. sa interpretasyon ng katapangan, nailalahad ni mama lahat ng aspeto nito. matapang siya para sa mga anak niya. kung kailangang makipagaway, gagawin niya. ramdam na ramdam namin ang galit ng nanay ko sa tuwing nakikita niyang nasasaktan kami. at ramdam namin ng husto ang pagaalala niya sa tuwing may nararamdaman o may sakit kami. matapang ang nanay ko sa aspetong pagtatago kung ang nararamdaman niya maliban nung maghiwalay sila ni papa. yun lang ang tumatak sakin. hangga't kayang tiisin ng nanay ko, titiisin niya. kung kinakailangang hindi siya kakain para makakain kami, gagawin niya. kung kinakailangang hindi siya matulog para lang mabantayan kami, gagawin niya.
sabi ng iba, mataray ang nanay ko. totoo yun. ugali niyang hindi mamansin ng tao kapag ayaw niya dito pero ang hindi alam ng iba, malambot ang puso ng nanay ko sa mga inakala niyang kaibigan niya. makailang beses na din siyang niloko, nilibak at inalipusta ng mga taong inakala naming mabuti saamin. tinakbuhan ng pera, siniraan, ginawan ng maasamang kwento pero sa gitna ng mga ito, nananatiling matatag si "bater".
sabi niya saamin, "ang kaligayahan ng mga anak ko, kaligayahan ko na rin. kung san ang mga anak ko dun ako". ito na siguro ang mga katagang nakatatak na sa kaibuturan ng puso ko.
si mama ang nagmulat saain kung ano ang buhay sa labas ng ng apat na sulok ng bahay namin. kahit kelan, hindi niya pinakita saamin na madali ang mabuhay bagkus ipinakita niya saamin kung anong klaseng dumi meron ang lipunanang kinagagalawan namin. hindi man naayon, at hindi man naintindihan nuon, ngayon alam namin na ang turong ito gumabay sa amin kung paano tahakin at paano salubungin ang mga ito.
isang ugali ng nanay ko na namana namin ay ang pamimintas. mahilig kaming magbiro at mangpuna ng mga bagay, tao o kaganapan sa paligid namin. yun ang pastime namin nuon buok sa panonood ng drama sa tv at gma supershow. excited kaming lahat kapag may dumadating sa bahay na kaibigan ni mama, dahil tiyak may mapipintasan nanaman kami sa mga kwentuhang ito. nakakamiss ang mama.
walang hihigit pa sa haplos ng nanay. totoong totoo ito. iba ang haplos ng ina. si mama, kapag may sakit kami, hindi siya umaalis sa tabi namin. ang sarap ng pakiramdam. kahit may sakit, parang napapawi ito sa tuwing nandiyan siya.
ngayong matatanda na kami, may kaniya-kaniya ng buhay ang iba sa mga kapatid ko, hindi pa rin namin kayang iwanan si mama ng tuluyan.
gusto ko, ako ang magaalaga sa kanya pagmatanda na siya. gusto ko ngayon maibigay sa kanya ang lahat ng gustuhin niya. tumatanda na si mama, hindi man mapantayan kung ano man ang nagawa niya saamin, kahit ano lang na alam kung magpapasaya sa kanya, gagawin at ibibigay ko sa abot ng makakaya ko.
bata palang ako, alam ko at alam ng mga kapatid ko na ako ang aaruga sa nanay ko pagtanda nito. hanggat maarin, ayaw ko ng bigyan ng kahit anong paghihirap ang nanay ko. gusto ko ienjoy niya ang buhay niya.
hindi kami binigyan ng mayamang ina pero ni sa hinagap, hindi kami nagsisi na si Mama ang naging ina namin dahil wala ng mas sasaya pa sa piling ni bater---ang natantaging ina.
Friday, March 20, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment