Saturday, March 7, 2009

haliging wasak nuon... buo na (sana) ngayon




bumalik na ang tatay ko samin. matapos ang mahigit kumulang labing tatlong taon. tinanggap pa rin namin siya ng walang pagaatubili. mahal namin ang tatay namin sa gitna ng mga pagkukulang nito saamin. at alam din namin na kahit nawala siya ng ilang taon, mahal niya kami. kahit naman nung mga panahong na saamin pa siya, hindi naman siya nagkulang. mga bata pa kami, alam at ramdam na ramdam namin iyon. kapag dumarating siya galing Maynila, lahat kami may pasalubong sa kanya. walang lamangan, lahat pantay pantay. meron din kaming nakagawian nuon na makalipas dalawang oras pagkatapos kumain ng hapunan, may midnight snack kaming pinagsasalusaluhan. masayang masaya ang buong bahay namin nuon kasi may tahanan kaming buo. may tila ba kung anong proteksiyon ang sumasanggalang sa lahat saamin dahil may tatay kaming titnitingala.

gumuho ang masayang pamilya nung natuklasan ng nanay ko na bukod saamin, may iba pa ang tatay ko. hindi matanggap ng nanay ko yun. hindi rin namin matanggap. saksi ang mga kapatid ko sa gabi-gabing pagaaway ng mga mgaulang ko hanggang sa umabot sa hiwalayan. nung mga panahong iyon, sa tiyahin ko ako nakatira. ang daming gulo. ang daming unos at bagyong dumaan magbuhat ng maghiwalay sila. hindi ito marahil nakayanan ng dalawa kong kapatid na panganay. maaga silang nabuntis at nagasawa. ayokong isipin nuon na karma ito sa tatay ko na naipasa sa mga kapatid ko pero ganon na nga siguro iyon. hindi ko nakita ang mga nangyari nung kainitan ng hiwalayan issue sa nanay at tatay ko pero saksi ako sa hirap na pinagdaanan ng nanay ko. duon ako nagalit, duon ako nagkimkim ng sama ng loob. akala ko nuon di ko na kayang magpatawad sa taong mananakit sa pamilya ko. malayo sa tinuran ko na ang taong nagbigay ng sakit sa pamilya ko ay ang mismong tatay ko. ayokong magpatawad. ayoko siyang makita. ayoko rin na ni sa panaginip maging parte pa siya ng buhay ko.

nuon yun.

nung sinabi sakin ng kapatid ko na nagsabi si papa na gusto na nitong umuwi, halo ang naramdaman ko. masaya na malungkot. malungkot dahil parang ang daming nasayang na taon. maraming taon na nawalan ako ng tatay na sana'y naandiyan nung mga panahong may problema ako. na sana naandiyan nung mga panahong nakikita kong nahihirapan ang mga kapatid ko. nung mga panahong pakiramdam namin nakadapa kami sa pusali. nung mga panahong kailangan ko ng tatay para magsabi sakin na "anak kaya mo yan. kakayanin mo yan"

ganunpaman, hindi ko na rin maibabalik ang panahong iyon. ok na rin kasi dahil sa mga karanasang dinanas ko ay naging matatag at matibay ako. masaya din akong kahit na papaano, naandiyan na siya. buo na ulit. at kung sakaling mawasak ulit, alam kong kakayanin ko tulad ng dati.

No comments:

Post a Comment